Search

Ano ba ang Tradisyunal na Ekonomiya?

Ano ba ang Tradisyunal na Ekonomiya?

Sa ekonomiya ng isang bansa ay may mga sistemang sinusunod upang magkaroon ng ganap na magandang kabuuan ang mga kaisipang nabuo. Ito ay lubos na mahalaga sapagkat nakasalalay ang pang-araw-araw na pangangailangan ng tao. Alinsunod sa mga sistemang pang-ekonomiya, mayroong tinatawag na tradisyunal na ekonomiya. Ano ba ibig sabihin nito? At paano ito naisasakatuparan?

Mahalagang impormasyon

Ang sinasabing tradisyon na ekonomiya ay ang itinuturing na kauna-unahang anyong sistema ng ekonomiya. Ang mga ginagawang desisyon ay laging nakabatay alinsunod sa tradisyon, paniniwala at kultura ng mga tao sa isang lugar na kinabibilangan. Halimbawa ng mga ito ay:

  • Kaugaliang o kulturang pagmamano sa mga nakatatanda kamag-anak man o hindi.
  • Paniniwala na kapag may pusang itim na dumaan sa harapan ng isang tao ay dadanas ng kamalasan o mayroong masamang mangyayari.
  • Ang mga tradisyong ipagdiwang ang Pista depende sa kung anong uri ito at depende rin sa kung saan naninirahan.

Sa mga sinaunang tao, ang mga pagkain ay ibinibigay ng mga kalalakihan na nangangaso at ang mga kababaihan namang nangunguha ng mga bungang-kahoy ay at mga babaeng nagtatanim.

Kumpara sa ibang mga pamamaraan, sa tradisyunal na ekonomiya ang mga nagdedesisyon ay ang mga tribo, komunidad at pamilya sa kung ano ang mga produktong bubuuin, kung paano ito bubuuin at kung para kanino ito ipamamahagi. Ito ay umiikot lamang sa mga pangunahing pangangailangan ng tao katulad ng mga:

  • Damit
  • Pagkain
  • Tirahan

Ang mga tao ay hindi na nahihirapan pagdating sa paghahanap buhay sapagkat ang mga trabaho noon ay pangingisda, pagsasaka at pangangaso lamang. Sa madaling salita, napakapayak ng pamumuhay ng mga tao sa ekonomiyang ito. Kung ano ang mga bagay na kanilang matatagpuan sa kanilang mga paligid ang siya nilang gagamitin at papakinabangan.



May batas ba sa sistemang ito patungkol sa Alokasyon katulad ng ibang sistemang pang-ekonomiya?

Sa sistemang pang-ekonomiyang ito, wala itong tuwirang batas patungkol sa Alokasyon kumpara sa ibang sistemang pang-ekonomiya. May malinaw na pagkakaunawaan ang mga tao sa sistemang ito. Isang matibay na halimbawa nito ay:

Ang mga kalalakihan ang siyang mga namamahala pagdating sa mga sandata katulad ng sibat na siya nilang unang gamit pang-depensa upang may makain. Samantala, ang mga kababaihan naman ang humahawak o ang namamahala ng mga kagamitan sa pananahi. Ang mga produkto na kanilang magagawa ay kanilang ipamamahagi base sa mga pangangailangan at kung sino ang mga dapat gumamit nito.

Maikling introduksyon sa kung ano ang Alokasyon?

Ito ay isang pamamaraan kung saan tumutukoy sa paglalaan ng tamang dami ng pinagkukunang yaman na nababatay sa mga pangangailangan at kagustuhan ng mga tao. Hindi ito isang paraan kung saan isa lamang pagbabaka-sakali. Kinakailangan ng isang kongkretong hangarin ng paggamit sa mga pinagkukunang yaman. Ito ay kailangan maisagawa upang ang pinagkukunang yaman ay hindi kaagad-agad maubos sapagkat ito ay sadyang limitado lamang. Ang alokasyon ay isang paraan upang maisakatuparan ang mga layunin ng mga kasapi na kabilang sa isang ekonomiya. Sa alokasyon, ang pagbuo ng impormasyon patungkol sa tutugunang pangangailangan ay maaaring maituring na sentralisado o desentralisado. Ano ba ang mga ito?

  • Sentralisado – ito ay kapag ang mga kinakailangang impormasyon ay ipinapatupad ng mga grupo ng tao o institusyon o ng mga iilang tao lamang.
  • Desentralisado – kapag binibigyan ng pahintulot ang iba’t-ibang miyembro ng ekonomiya na makapagbuo ng mga tamang impormasyon at magtakda kung ano ang mga pangunahing pangangailangan ang kailangang unahing matugunan.

Tinutukoy rin kung paano at kung sino ang magbibigay halaga sa mga pinagkukunang-yaman. Ang dalawang paraang maaring maging kaayusan ay:

  • Pinag-uutos (command) – patakaran ng pamahalaan ang siyang magtatakda sa pagbibigay halaga sa mga pinagkukunang-yaman.
  • Pakikipagpalitan (exchange) – ang halaga ng mga pinagkukunang-yaman ay itinatakda ng mga plano ng mga miyembro bilang tugon sa kanilang mga pangangailangan at kagustuhan.

Anu-ano ang mga bansang gumagamit sa ganitong uri ng sistemang pang-ekonomiya?

Kadalasan, ang mga bansang gumagamit ng ganitong sistemang pang-ekonomiya ay madalas na mga sakahan at kanayunan. Ang isang tradisyunal na ekonomiya ay tinukoy sa pamamagitan ng palitan o kalakalan ng mga produkto na mas kilala bilang “bartering”.

Ang bartering ay tinatawag na barter trade. Ito ay isang mekanismo o pamamaraaan kung saan ang isang produktong mayroon ay maaaring ipagpalit sa isang bagong uri ng produkto. Halimbawa nito:

Mayroong imbak na isda sa isang tahanan ngunit dahil sa ito na ang palagiang kinakain, gustong kumain naman ng karne ng manok. Maaaring ipagpalit ang isda sa karne ng manok na nais namang maranasang kainin.

Sa tuwing may sobrang produkto, ang anumang labis na kalakal ay madalas na ibinibigay sa nagmamay-ari ng lupa o sa isang naghaharing awtoridad.

Ang purong sistemang ito ay hindi nakakaranas ng mga pagbabago sa pagpapatakbo. Kung ano ang nakagisnang mga pamamaraan ito na ang tuwirang gagamitin. Ang mga halimbawa ng sistemang ito ay kinabibilangan ng mga plantasyon ng tsaa sa Timog Indiya. Karagdagan, ang tradisyunal na ekonomiya ay rin kilala bilang:

Hindi maunlad (primitive) na sistema ng ekonomiya dahil sa pagtataglay ng mga hindi napapanahong mga kagamitan at pamamaraan.

Ang mga bansang kabilang sa sistemang ito ay ang mga sumusunod:

  • Bangladesh
  • Vietnam
  • Pakistan
  • Nepal
  • Sri Lanka
  • Myanmar
  • Indonesia
  • Mauritious
  • Ilang bahagi ng Asya
  • Mga mahihirap na bahagi ng Africa
  • Gitnang Silangan (Middle East)
  • Latin America

Makahulugang pananaw

Ang tradisyunal na ekonomiya ay isang uri ng pamamaraan na walang dudang payak at simple lamang. Walang bahid ng anumang maaaring maging kumplikasyon kumpara sa ibang sistema sapagkat ang pangunahing layunin ng pamamaraang ito ay ang pagbibigay ng mga pangangailangang nakabase sa kung ano lamang ang kailangan ng isang tao o grupo ng mga tao. Ang mga hanapbuhay ng tao sa ekonomiyang tradisyunal ay nakadepende lamang sa kung ano ang mayroon sa paligid na maaaring mapakinabangan ng may magandang kalalabasan. Gayundin naman ang kanilang mga hanapbuhay.

Sinasabi nga na mas simple, mas maganda. Ngunit sa panahon ngayon na kung saan nagpapabago-bago ng mga pangangailangan ang tao at nagkakaroon ng hindi maubos ubos na gustong makamit, ang sistemang pang-ekonomiya na ito ay kukulangin. Kinakailangan ng maraming alternatibong paraan upang magkaroon ng mas maraming pagkukunang-yaman. Lalo’t ang panahon ngayon ay may malaking hamon sa buhay ng bawat tao sa araw-araw na pamumuhay.

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Ano ba ang Tradisyunal na Ekonomiya?
4.6 (92.5%) 16 votes