Search

Balita Tungkol sa Ekonomiya ng Bansa: Mayroon Bang Pag-Unlad sa Ekonomiya ng Pilipinas sa mga Nagdaang Taon Hanggang sa Taong Kasalukuyan

Balita Tungkol sa Ekonomiya ng Bansa: Mayroon Bang Pag-Unlad sa Ekonomiya ng Pilipinas sa mga Nagdaang Taon Hanggang sa Taong Kasalukuyan

Isang malaking palaisipan sa lahat ng mamamayang Pilipino kung ang Pilipinas ba ay may magandang uri ng ekonomiya. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat, ang Pilipinas ay isang bansang maliit lamang sa Asya, malaki ang populasyon at marami ang pangangailangan ng mga tao. Ngunit, ano ba ang balita tungkol sa ekonomiya ng bansa ngayon kumpara noong mga nagdaang taon?

Isang pagbabalik tanaw sa ekonomiya ng Pilipinas noong mga nagdaang taon

Sa maniwala at sa hindi ang mga Pilipino, ang Pilipinas ay isang bansang umuunlad sa Timog-Silangang Asya sa kabila ng katotohanang may mababang kalidad ang sahod ng mga manggagawa rito. Ayon sa PPP o Purchasing Power Parity ang GDP ng PIlipinas noong taong 2013 ay nasa $3,383 dolyar na nasa ika-130 puwesto sa buong mundo. Ang GDP ng bansa noong 2013 ay mas mababa kumpara sa mga bansang kabilang rin sa Timog-Silangang Asya katulad ng Singapore, Malaysia, Indonesia, Thailand at Brunei. Ano ba ang ibig sabihin nito? Ito ay nangangahulugan na ang Pilipinas ay mas mahirap sa mga bansang nabanggit.



Para sa mga hindi nakakaalam, ang GDP ay ang sukatan na ginagamit ng mga ekonomista upang mabilis na matukoy ang mga bansang mahihirap sa buong mundo. Pinaghahambing-hambing ang mga pangkalahatang pagkakaiba sa basehan ng pamumuhay sa kabuuan sa pagitan ng mga bansa sapagkat isinasaalang-alang nito ang mga gastusin sa pamumuhay gayundin naman ang mga datos ng implasyon ng mga bansa.

1900-1942 (Panahon ng Amerikano)

Ang Philippine Organic Act ay nagpatupad ng istriktong paghihiwalay ng estado at simbahan at ang batas na ito ay nag-alis sa Simbahang Katoliko Romano bilang isang opisyal na relihiyon. Nagbayad ang Vatican ng $7.2 milyong dolyar noong 1904 para sa mga lupaing hawak ng relihiyon. Ito ay kalaunang ipinagbili sa mga Pilipino. Ang ekonomiya ng bansa ay laging nakasalalay sa Estados Unidos at ang kalayaan ng Pilipinas ay nakamit noong Hulyo 4, 1946 mula sa Estados Unidos.

1950-1965 (Mga taon bago si Marcos)

Pagkatapos ng pananakop ng mga Hapones noong 1942-1945 at Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang balita tungkol sa ekonomiya ng bansa ay nagkaroon ng magkahalong kasaysayan ng ekonomiya. Ibinalita rin ng World Bank na ang Pilipinas ay maituturing na isa sa pinakamayamang ekonomiya sa buong Asya noong 1950 pagkatapos ng Hapon. Ngunit sa kasamaang palad, isa rin ang bansa sa pinakamahirap sa Asya ngayon.

1965-1986 (Ferdinand Marcos)

Sa ilalim ng pamumuno ni Marcos ay naging talamak ang korupsyon, maling pangangasiwa sa ekonomiya ng bansa at ito ay nagbunga ng mabagal na pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas. Sa ilalim ng rehimeng Marcos, ang ekonomiya ng bansa ang kauna-unahang nakaranas ng negatibong pag-unlad mula noong 1984. Ang halaga ng piso kontra dolyar ay lubos na bumagsak at ang implasyon ay nasa 65%. Ang ekonomiya ay nasadlak sa krisis pang-ekonomiya noong 1970 dahil sa napabalitang paggasta ni Marcos ng mga pondong pampamahalaan sa kanyang muling pagtakbo bilang president. Ang balita tungkol sa ekonomiya ng bansa sa pamumuno ni Marcos ay hindi matawaran ang pagbagsak at hindi ito napigilan ng mga Pilipino.

1986-1992 (Corazon Aquino)

Pagkaluklok na pagkaluklok ni Corazon Aquino bilang presidente, agad niyang tinugunan ang utang ng Pilipinas na may halagang $28 bilyong dolyar na siyang nalikom ni Marcos na dumungis sa pangalang internasyonal ng Pilipinas. Binayaran ng administrasyon ang $4bilyong dolyar ng 28 bilyong utang ng bansa sa dayuhan ngunit humiram rin ng 9 bilyon na nagpataas lalo ng utang ng PIlipinas ng $5 bilyong dolyar. Ang balita tungkol sa ekonomiya ng bansa sa kanyang unang taon bilang presidente ay lumago ng 3.4 porsiyento. Ngunit, dahil sa tangkang kudeta noong 1989 ito ay naging sanhi ng pagtigil ng pag-unlad nito.

1992-1998 (Fidel Ramos)

Ang inatas ng IMF-World Bank na tinatawag na “Philippine 2000” na naglalayong baguhin ang ekonomiya batay sa agrarian tungo sa isang industriyal ay ipinatupad ni Ramos. Sa ilalim ng kanyang pamumuno noong 1992 hanggang 1998 ang GDP ay lumago ng 3.1 porsyento. Sinubok ng administrayong Ramos na akitin ang pamumuhunan ng mga dayuhan sa pamamagitan ng pagreporma sa mga batas. Binuwag ang mga monopolyo at ginawa niyang pribado ang mga industriyang mahahalaga. Ang pinansiyal na krisis sa Silangang-Asya noong 1997 ay muling nagpabagal sa pag-unlad ng Pilipinas.

1998-2001 (Joseph Estrada)

Sinubukan ni Estrada na ipagpatuloy ang reporma ni Ramos. Nabalot ng matinding kontrobersiya pagdating sa balita tungkol sa ekonomiya ng bansa sapagkat inakusahan ang administrayong Estrada ng korupsiyon, cronyism at inkompetensiya. Ito ay nagdulot ng kawalang tiwala ng mga imbestor na dayuhan. Umakyat ang utang ng Pilipinas sa 2.1 trilyong piso noong 1999. Ang impeachment na inihatol kay Estrada ay nagdulot ng mababang pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas.

2001-2010 (Gloria Macapagal-Arroyo)

Ang administrayong Arroyo ay nagtutulak ng mabilis na pag-unlad ng ekonomiya. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, ang paglago ng GDP ng bansa ay nasa 4.7%. Subalit, sa kabila ng paglago ay lumala naman ang kahirapan ng pamumuhay. Noong 2006 ang sektor ng ekonomiya ay bumagsak dahil sa paghagupit ng mga bagyong dumaan. Ang paglago ng ekonomiya ay bumagal noong 2011.

2010-2016 (Benigno Aquino III)

Sa ilalim ng administrayong Noynoy Aquino, ang antas ng paglago ng GDP ng Pilipinas ay 6.8% noong 2012 at ito ay itinuturing na ikalawa sa pinakamataas sa Asya. Itinaas rin ng World Economic Forum ang bansa sa 10 punto sa itaas na kalahati ng pagiging kompetibo sa kauna-unang pagkakataon sa buong kasaysayan ng Pilipinas. Gayunpaman, sinasabi ng karamihan na ang umunlad lamang na pamumuhay ay ang mga mayayamang pamilya lamang. Ang hindi pantay na pasahod sa mga mamamayang Pilipino naman ang pinakamataas sa buong Asya.

Ang pamumuno ng kasalukuyang administrasyong 2016

Ang Administrayong Rodrigo Duterte na bagong halal na pangulo ng Pilipinas ay maituturing rin na kontrobersyal dahil sa maanghang na pananalita ng pangulo laban sa bansang Amerika at European Union. Ang balita tungkol sa ekonomiya ng bansa sa mga panahong ito ay nagkakaroon ng malaking pagbabago sa pangkalahatang kategorya. Kabilang ang mga suliranin sa trabaho patungkol sa end of contract o endo, ang paglutas sa droga at iba pang uri ng krimen ng bansa at higit sa lahat ay ang pagtigil ng pangulo sa Amerika bilang ka-partner ng bansa. Maraming hindi makaunawa sa mga pagbabagong ito subalit ang mga Pilipino ay may mataas na pagtitiwala sa pangulo ng Pilipinas ngayon.

Iba’t-iba man ang mga balita tungkol sa ekonomiya ng bansa iisa pa rin ang inaasahan ng mga Pilipino at ito ay ang pagkakaroon ng maunlad na ekonomiya. Ang mga maling nagawa ng mga nagdaang presidente ng Pilipinas ay inaasahang hindi na mauulit at mapapalitan ng mga tamang pamamaraan upang ang pag-unlad ay makamtan ng lahat. Ang balita patungkol sa ekonomiya ay pabago-bago kung kaya’t nararapat lamang na ito ay mabantayan upang magkaroon agad ng kalutasan ang mga suliraning maaaring danasin ng bansa.

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Balita Tungkol sa Ekonomiya ng Bansa: Mayroon Bang Pag-Unlad sa Ekonomiya ng Pilipinas sa mga Nagdaang Taon Hanggang sa Taong Kasalukuyan
4 (80%) 5 votes